17 September 2008

UP, ang galing mo!


Sandaang taon na tayo, andito ka pa rin sa aming puso. Kaya kami sumasaludo, UP, ang galing mo. Isang taon na nga tayo. Sandaang taong humahasa, humuhubog sa kagalingan ng kabataang Pilipino. Karunungang aabot higit pa sa isang daang taon. Kagalingang tumatagos sa bawat pagkatao at isipan ng bawat Iskolar ng Bayan.
Ang karunungan ay hindi nakakamtan sa iisang upuan lamang. Kadalasan, dapat itong pag-aralan nang matagal gamit hindi lamang ang isipan kung hindi pati na rin ang puso. Sapagkat ang karunungan ay hindi nakakamtan para lamang maipakita na marunong tayo. Nakakamtan ito upang gamitin sa pagsugpo ng mga suliranin, sa pagtugis ng kasamaan, at sa pag- abot ng isang mithiin.
Ilang taon ba ang dapat igugol upang manatili ang karunungan sa diwa ng bawat Pilipino? Sapat na nga ba ang isang daang taon?
Sa loob ng sampung dekada, hindi nagpaawat ang Unibersidad ng Pilipinas sa paghubog ng ating bansa at sa paghubog ng karunungan nating mga Pilipino.
Hindi masusukat ng numero o maihahambing man lang sa kahit ano ang mga naabot ng UP. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ito ang naging tahanan ng pito sa labing-anim na pangulo ng Pilipinas, tatlumpu’t anim sa limampu’t pitong pambansang artista, at tatlumpu sa tatlumpu’t isang pambansang siyentipiko. Sa karaniwang Pilipino, ang mga nabanggit ay mga hamak na numero lamang ngunit kung bubusisiin, malaki ang naging epekto ng mga numerong ito sa buhay ng bawat Pilipino. Ang mga naging kalagayan ng ating bansa ay ang kalabasan ng mga desisyon ng pitong Iskolar ng Bayan na naging pangulo ng Pilipinas. Marami –rami rin ang mga senador at kongresistang nagtapos sa UP kaya’t marami sa ating mga batas ang nagdaan sa kanilang kamay. Dahil din sa mga artista at mga siyentipikong galing UP, kaya patuloy na natataguyod ang sining at kultura. Patuloy na napapaunlad ang agham at teknolohiya.
Tinaguriang kanlungan ng karunungan. Ito ay dahil ginagampanan ng UP ang mga gawain ng isang makabagong unibersidad. Isang institusyong patuloy na nagbabago at umuunlad para sa mga pangangailangan ng sosyodad. Ayon sa dating pangulo ng UP na si Emil Javier, ang isang makabagong unibersidad ay may tungkuling magturo, manaliksik, magbigay serbisyo sa publiko, pangalagaan at tiyaking maipasa ang kultura. Hindi natatakot ang mga taga-UP na harapin ang mga hamong ito kung kaya’t hindi nga naman maikakailang nagunguna ang mga Isko at Iska sa kahit anong larangan.
Isang susi sa pag-intindi ng ating makulay na kasaysayan ay ang pagkakaroon ng edukasyon sa UP. Tinuturuan ng unibersidad ang mga kabataang maglingkod sa bayan. Ang edukasyon ay hindi lamang nagbibigay halaga sa karunungan. Ang ating edukasyon ay lubos na nagpapahalaga ng pagmamahal sa ating bayan, sa isip, salita, at gawa. Ang mga taga-UP ay may kanya-kanyang pamamaraan sa pag-aaral ng mga bagay-bagay tungkol sa sariling bansa. Ang mga rally at pagboycott sa klase ang ilan lamang sa mga pamamaraang talaga namang nagpapalahad ng malasakit at pagmamahal sa Inang bayan. May mga ideyolohiyang sa UP din napupulot. Magkakaiba man ang mga ito ngunit iisa lamang ang hangarin- ang ikauunlad ng lipunan.
Likas sa UP ang pagsisilbi o paglingkod sa bayan gamit ang karunungang naimbak sa loob ng mahabang panahon. Mayroong kakayahan ang Unibersidad ng Pilipinas na matugunan ang mga pangangailangan ng ating nagbabagong lipunan. At ang mga Iskolar ng bayan ay mayroong natural na kakayahan upang lalo pang paunlarin ang ating bansa.
Natapos natin ang unang isangdaang taon, ngayon sama- sama nating harapin ang susunod pang siglo. Sandata ang karunungang natamasa sa UP. Isapuso at mamuhay sa paraang itinuro ng unibersidad. Patuloy na mangarap at maglingkod ng walang pag- iimbot. Ipagpatuloy nating tuparin ang mga tungkulin ng isang Iskolar ng Bayan! Kaya kami sumasaludo, UP ang galing mo.

********************************************************************************

Ang totoong nagsulat nito ay si Claire Juanico, binigay lang ng Gov. namin sa akin para i- revise kaunti. Naks, ang bilib mo sa sarili, iho! joke. Pero wala akong maraming binago.

No comments:

Post a Comment