18 June 2008

Untitled

Ni sa hinuha hindi mo akalaing makakaramdam ng ganito. Sinong mag-aakalang ang isang taong naturingan kontrolado ang lahat ng mga nangyayari sa buhay ay bibigay din. Parang ipu- ipong bumalot ng panandalian at nag- iwan ng isang kakatwang marka. Parang talangkang sinipit ka ng mahigpit at ang pinakamagagawa mo nalang ay bumigay.
Unang kita at naging magaan na ang pakikitungo mo sa kanya. Nakikitawa sa mga binibitawang biro, nakikisakay sa mga kulitan. Masaya ka ‘pag kasama siya. Nagiging makulay ang araw ‘pag nakikita siya. Tuwing naiisip ay nakapagkit ang isang matamis na ngiti. Kakaiba ang kislap ng mga mata. Nang maglaon, naging tampulan ng tukso. Pilit mong winawaglit, pilit pinipigil ang damdamin kahit totoo. Masakit. Mahirap. Parusa. Hanggang kailan kaya?
Siya, mula sa umpisa ay tumimo na sa isipang gusto ka. Walang araw na lumipas na hindi ka napapatawa. Walang pagkakataong sinasayang makita ka lang nakangiti. Gusto na niyang sabihin. Gustong buksan. Gustong ipahiwatig. Pero nauunahan ng kaba, nauunahan ng pag-aalinlangan, nauunahan ng takot. Naghihintay ng pagkakataon, tumitiyempo. Pero kalian kaya?
Eto ka, nangangalumbaba. Nakikiayon sa sariling ideyalismo. Sinasarili. Nagtitiis. Kung bakit hindi kayang sabihin. Kontento ka nalang ba sa ilusyon? Tama na ba sa iyo na hanggang biro at kulitan nalang ang lahat? Alam mong nahuhulog ka. Alam mong magmamarka siya. Pero bakit hindi puwede? Sige na nga, hindi lahat ng puwede ay tama.
Hayun siya, nakikiramdam. Gusto niyang isigaw, mahal ka! Pero hindi pa puwede. Naninigurado? O baka naman ayaw lang masaktan kung saka- sakaling iba sa gusto niya ang isagot mo. Inis na rin siya sa sarili. Kung bakit kailangan pa sa iyo? Hirap naman kasi, sa’ yo pa.
Ayaw mo lang tumaya. Mabuti nang ‘wag sumugal kaysa matalo sa huli. Walang mawawasak na damdamin, walang pusong luluha. Ayaw mong mabasag dahil mahirap pulutin ang mga piraso. Pero lahat ba ng ayaw mo kailangang sundin?
Mataas ka kasi. Mahirap abutin. Siguro nga nakikiagos ka lang sa mga ginawa niya, pansukli sa kaunting hirap na inamot niya. Oo, takot siya! Baka nga ambisyoso lang talaga siya dahil ikaw pa ang natipuhan. May maipagmamalaki din naman pero baka hindi man lang makapantay sa iyo. Ba’t kaya hindi ka nalang niya hilahin pababa para madaling maabot?
Hangal mga kayo! Nababalot sa sariling agam- agam. Nakagapos sa sariling multo ng paniniwala. Naturingan mga matatalinong tao pero simpleng lohika sa parehong damdaming nag- aantay ng sagot, walang maipakitang solusyon? Hanggang kailan kayo patuloy na makikiramdam? Hanggang kalian iindahin ang kanya- kanyang pilat na sarili niyong likha? Aantay nalang bang lumiwanag ang madilim na paligid? Maghahanap ng tamang tiyempo sa saliw ng musika? Di kaya, iaasa nalang sa hangin na maipaabot ang panaghoy ng dibdib.
*******
Istorya ng isang kakilala na hindi ko alam kung ano ang takbo ng isip. Hindi ko mahanapan ng lohika ang mga rason. Ito nga siguro ang punto ng istorya, kung minsan hindi puwedeng tumaya, hindi puwedeng sumugal dahil kailangang makiamot sa di- maipaliwanag na misteryo.Dahil misteryo mismo ang nagpapa- inog sa uniberso ng buhay.

No comments:

Post a Comment